Binaril si dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe habang nagsasagawa ng campaign stump speech para sa upper house election.
Batay sa report, pasado alas-11:30 ng umaga ng barilin sa likod ang 67-anyos na dating prime minister habang nagsasalita sa labas ng train station sa Nara city sa Japan.
Nabatid na nakarinig ng dalawang magkasunod na putok ng baril ang mga tao sa lugar na kasabay ng pagbagsak ni Abe na duguan mula sa leeg.
Agad itong isinugod sa ospital at pinangangambahang nasa State of Cardiac Arrest na ito, isang termino na ginagamit sa Japan kapag hindi na nakitaan ng vital sign o posibleng patay na ang isang tao.
Pero sa ngayon ayon kay Japanese Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno, hindi pa alam ang tunay na kondisyon ng dating Japanese prime minister.