Mariing pinabulaanan ni dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na may kaugnayan ang kaniyang pagbitiw sa pwesto sa kontrobersyal na pagbili ng Personal Protective Equipment (PPEs) at Medical supplies para sa COVID-19.
Sa ginawang pagdinig ng Bule Ribbon Committee, sinabi ni Avisado na walang naghikayat sa kaniya na magbitiw sa pwesto at wala siyang alam tungkol sa report ng Commission on Audit (COA).
Giit ng dating kalihim na lumabas ang COA report matapos siyang magbitiw sa pwesto bilang kalihim ng DBM.
Matatandaan na noong Agosto 13, bumaba sa puwesto si Avisado dahil sa problema sa kalusugan at naka-medical leave ito bago pa siya nagbitiw sa kaniyang posisyon.
Pagkalipas ng ilang linggo, sinimulan ng Senado ang imbestigasyon sa pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ng mahigit P8.6 bilyong COVID-19 medical supply sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Paliwanag ni Avisado sa naturang Komite na hindi nagre-report ang pinuno ng PS-DBM sa budget secretary patungkol sa mga binibili nilang medical supply subalit iginiit ng dating kalihim na maaring sa ibang tao nagre-report si Lloyd Christopher Lao, ang pinuno ng PS-DBM.