Dating kasapi ng Philippine Army na ngayo’y most wanted person ng CALABARZON, timbog ng CIDG

Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Rizal Provincial Field Unit kasama ang 404th Company ng Regional Mobile Force Battalion 4A ang dating miyembro ng Philippine Army na ngayo’y kabilang na sa mga Regional Level Most Wanted Persons ng CALABARZON.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Joel” na nasakote sa Boso-Boso sa Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal kamakalawa.

Si Joel ay wanted dahil sa kasong murder kung saan walang piyansang inirekomenda ang korte.

Batay sa ulat na natanggap ng CIDG, naganap ang insidente noong December 25, 2013 sa gitna ng inuman sa bahay ni Joel kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng anak ni Joel na si “Noah” at ng biktima.

Nabatid na nakialam ang suspek sa away ng dalawa at napatay nito ang biktima.

10 taon nagtago ang suspek bago mapasakamay ng mga awtoridad.

Facebook Comments