Dating liderato ng DA, marami umanong dapat ipaliwanag sa pamamayagpag ng kartel ng sibuyas

Sa tingin ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Rep Wilfrido Mark Enverga, marami umanong dapat na ipaliwanag ang mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa pangunguna ni former Secretary William Dar.

Ayon kay Enverga, kaugnay ito sa pamamayagpag ng kartel na itinuturong nasa likod umano ng pagtaas ng presyo ng sibuyas sa P700 kada kilo noong nakaraang taon.

Sabi ni Enverga, maraming tanong na dapat sagutin ang mga dating opisyal ng DA lalo na kung paano yumabong ang operasyon ng tinaguriang sibuyas queen na si Lea Cruz.


Binanggit ni Enverga na base sa imbestigasyon ng Kamara ay lumitaw na nakontrol ni Cruz ang bentahan at presyuhan ng sibuyas bago pa man magsimula ang Marcos administration na makikita sa diagram o matrix na iprinisinta ni Committee Vice Chairperson & Marikina Rep Estella Quimbo.

Ipinunto ni Enverga at Quimbo na hindi mangyayari o magtatagumpay ang cartel kung walang kasabwat.

Makikita sa matrix ni Quimbo ang umano’y koneksyon ni Cruz sa bilihan ng lokal at imported na sibuyas, kung papaano ginagamit ang mga storage facility para mabarat ang mga lokal na magsasaka, at kung papaano lilimitahan ang suplay ng sibuyas upang tumaas ang presyo nito.

Malaking katanungan din para kay Quimbo kung paano napayagan ng Bureau of Plants Industry o BPI na patuloy na makapag-import si Leah Cruz kahit ito ay blacklisted.

Facebook Comments