Hinatulang guilty ng Sandiganbayan 4th division si Maguindanao Governor Datu Sajid Islam Ampatuan sa mga kasong kriminal kaugnay ng maanomalyang pagbili ng mga construction materials para sa paggawa ng mga eskuwelahan noong 2008 at 2009.
Walo hanggang 12 taon pagkakakulong sa kasong graft, anim na buwan hanggang walong taon sa bawat isa sa 63 kaso ng falsification at reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong sa kasong malversation of public funds ang ipinataw na parusa kay Ampatuan.
Pinagbawalan din si Ampatuan ng korte na humawak ng posisyon sa tanggapan ng gobyerno at pinagmumulta ng P37.74 Milyon na halaga ng pondo ng gobyerno na nawaldas umano.
Pinayagan naman ng korte si Ampatuan na pansamantalang makalaya kung makakapaglagak ng P1.58 Milyong piyansa hanggang sa lunes at kung iaapela ang desisyon.
Ang kaso ay kaugnay ng pagbibigay umano ni Ampatuan ng bentahe sa abo lumberyard and construction supply kung saan binili ang mga construction materials para sa pagsasaayos ng mga paaralan sa Maguindanao.
Pero ayon sa prosekusyon walang aktwal na delivery ng mga materyales dahil hindi naman totoo ang naturang kompanya.