Dating Manila Mayor Isko Moreno at Chi Atienza, naghain na ng COC para sa 2025 elections

Pormal nang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) ang tandem nina dating Manila Mayor Isko Moreno at Chi Atienza ngayong huling araw ng filing ng kandidatura.

Tatakbo ang dalawa sa pagka-alkalde at bise alkalde ng lungsod sa 2025 midterm elections.

Sa panayam kay Moreno, sinabi nitong maraming dahilan kung bakit siya babalik sa pagiging mayor ng Maynila.


Kabilang na rito ang ilang hinaing umano ng mga residente sa serbisyo ng lokal na pamahalaan at ang panawagan ng marami.

Nabahala rin aniya siya sa mga ulat na isa na ang kapitolyo ng Pilipinas ngayon sa mga riskiest city sa mga turista.

Ikinagulat naman ni Moreno ang naging reaksyon ng kaniyang “ate” na si Manila Mayor Honey Lacuna na nakaramdam daw ito ng pagtatraydor dahil sa plano niyang muling kumandidato.

Sabi ni Moreno, hayaan na lang din at intindihin ang dating kapartido dahil posibleng bugso lamang ito ng damdamin.

Ayaw na lang umano niyang pangunahan ang magiging desisyon ng taumbayan sa darating na halalan.

Sa huli, sinabi ni Moreno na umaasa syang wala nang samaan ng loob at pamumulitika pagkatapos ng 2025 elections.

Tatakbo sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ang Isko-Chi tandem habang sa Asenso Manileño naman sina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo.

Nauna na ring naghain ng COC sina Tutok to Win Partylist Rep. Sam Versoza, Michael Say at si Alvin Karingal.

Facebook Comments