Mariing tinututulan ng dating may-akda ng Anti-Terrorism Law ang isinusulong ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na isama sa ilalatag na Implementing Rules and Regulation (IRR) ang pag-regulate sa social media.
Giit ni Committee on National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon, walang probisyon na nagsasabing kasama ang social media sa ire-regulate para masugpo ang terorismo.
Paliwanag ni Biazon, sumasalungat ito sa batas dahil hindi intensyon ng mga mambabatas na lumagpas sa mga karapatan tulad ng freedom of expression at right to privacy.
Tinukoy pa ng kongresista ang Section 16 ng batas kung saan pinapayagan ang mga otoridad na tugisin ang mga terorista na gumagamit ng social media para sa kanilang propaganda sa pamamagitan ng surveillance, interception, at recording ng kanilang mga komunikasyon.
Matatandaan na nag-withdraw si Biazon sa kanyang pagiging may-akda ng Anti-Terror Law habang pinagdedebatehan pa ito noon sa plenaryo dahil sa kanyang paniniwala ay hindi natalakay ng husto ang batas at ito ay adoption lamang ng bersyon ng Senado.