Dating Mayor Mabilog, ibinunyag sa Quad Committee Hearing ang planong pagpapapatay sa kanya ni dating PRRD

Humarap si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa ika-anim na pagdinig ngayon ng House Quad Committee at kaniyang inilahad na kahit walang basehan at ebidensya at hindi rin dumaan sa imbestigasyon at due process ay isinama siya sa listahan ng narco-list noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at inakusahan siyang protektor ng illegal drug operations.

Bunsod nito ay nakatanggap pa raw siya noon ng mga pagbabanta sa kanyang buhay kung saan nagpakita pa siya sa hearing ng video clips ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasabing siya ay ipapapatay.

Ayon kay Mabilog, noong August 28, 2017 ay nakatanggap siya ng tawag kay dating Philippine National Police o PNP Regional Director Bernardo Diaz at inimbitahan siyang makipagkita sa Camp Crame ay dating PNP Chief at ngayon ay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.


Sabi ni Mabilog, hindi siya tumuloy sa naturang lakad dahil mayroong police colonel at mayroon ding misis ng isang opisyal ng PNP ang nagbigay ng warning sa kanya at sa kanyang misis na huwag silang tutuloy dahil siya o sila ay papatayin.

Bunsod nito ay nagpasya siya na huwag ng bumalik ng Pilipinas nang magkaroon siya ng pagkakataon na magtungo sa Japan, hindi dahil guilty siya sa akusasyon kundi sa takot para sa buhay at kaligtasan niya at ng kanyang pamilya lalo’t marami matataas na opisyal ng PNP ang kumausap sa kanya at nagsabing inosente siya pero plano siyang patayin.

Noong March 29, 2019 ay napagbigyan ang hiling ni Mabilog na political asylum sa Estados Unidos.

Binigyang diin ni Maabilog na kahit kelan ay hindi siya nasangkot sa iligal na droga at sa anumang iligal na gawain.

Facebook Comments