Iniimbestigahan ngayon si dating Mexican president Pena Nieto kasunod ng milyong dolyar na money transfer na natanggap nito sa Spain.
Ayon sa pinuno ng Financial Intelligence Unit ng Finance Ministry na si Pablo Gomez, nakatanggap si Pena Nieto ng aabot sa 1.27 million dollars o katumbas ng higit 71 milyong piso mula sa isang kamag-anak sa Mexico.
Iniimbestigahan ito bunsod ng hindi matukoy ang pinagmulan ng naturang pondo.
Pinaniniwalaan ding may koneksyon si Pena Nieto sa dalawang kumpanya na may nakakuha ng kontrata sa Mexico sa kasagsagan ng kaniyang panunungkulan.
Itinanggi naman ni Pena Nieto ang mga paratang at sinabi nitong handa itong linawin ang mga tanong laban sa kaniyang mga assets at ang kanilang legalidad.
Si Pena Nieto ay nanilbihan bilang pangulo ng Mexico mula 2012 hanggang 2018 at kasalukuyang nakatira sa Madrid, Spain.