Nagpasya ang House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na pansamantalang palayain si dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang mula sa pagkadetine sa Batasan Complex.
Si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ang nagmosyon na palayain si Tumang upang makasama nitong magdiwang ng Pasko at Bagong Taon ang kanyang pamilya kung saan inatasan siyang bumalik sa January 22.
Si Tumang ay na-contempt noong November 15, at pinatawan ng 30-araw na kulong sa Batasan Pambansa, dahil sa paglalabas nito ng mga impormasyon mula sa isinagawang “executive session” ng komite ukol sa 560 kilo ng ilegal na droga na naabat sa Mexico, Pampanga na nagkakahalaga ng P3.6 billion.
Binanggit ni Gonzales na ang pansamatalang paglaya ni Tumang ay pagkakataon din para makadalo siya sa kasal ng isa niyang anak at magpagaling ng lubos matapos dapuan ng COVID-19 habang nasa detention facility ng Kamara.
Ayon kay Congressman Barbers, tatalakayin naman nila ang hiling ni Tumang na bawasan ang ipinataw sa kanya na 30-araw na kulong sa Kamara.