Ibinunyag ng isang self-confessed Angels of Death member sa pagdinig ng Senate Committee on Women na utos ni Pastor Apollo Quiboloy ang mga pagpatay sa mga tumitiwalag at nagkakasalang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa pagdinig tungkol sa mga pang-aabuso ni Quiboloy, humarap si Eduard Ablaza Masayon at inamin niyang bahagi siya ng 2nd Metro Davao Signal Battalion na nasa ilalim ng Sonshine Media Network International (SMNI) at sinasabing may kaugnayan din sa Task Force Davao.
Ang mga kasapi nito ay nagsanay sa Philippine Army Affiliated Reserve Unit (PAARU) at sa 11th Regional Community Defense Group na reserve command ng Philippine Army.
Nabuo aniya ang private army na ito para habulin ang mga miyembro na lumalaban kay Quiboloy.
Magiging kasapi ka ng squad na ito oras na mapatunayan ang loyalty sa kingdom.
Inihalimbawa ni Masayon ang isang insidente kung saan nakasama niya noon sa KOJC security compound ang isang miyembro ng Angels of Death na si Simon Tagnipis na inutusan umano ni Quiboloy na ipapatay si Domeng Jaruk, ang Datu ng Sitio Kahusayan sa Davao City, na tumangging ibenta ang kanyang lupa sa religious leader.
Kalaunan aniya ay lumabas na ng kingdom si Tagnipis at dito na rin nakaranas ng pagbabanta ang dating miyembro hanggang sa nabalitaan niyang pinatay na ito.
Sinabi pa ni Masayon na hindi naman papatay ang mga kasapi ng Angels of Death kung wala itong utos mula sa itaas o kay Pastor Quiboloy.