Dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson at iba pa, inirereklamo ng graft at plunder sa Ombudsman

Inirereklamo ng grupong Warriors Ti Narvacan Inc., sa pangunguna ni Atty. Estelita Cordero, si dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson at iba pang indibidwal ng kasong graft at plunder sa Ombudsman ngayong araw.

Sa tatlong pahina ng plunder case, inaakusahan si Singson kasama ang dati nitong Vice Mayor na si Pablito Sanidad Sr. at 11 na iba pa sa pagbili ng overpriced na 10 ektaryang lupain na pagmamay-ari ng Western Textile Mills Inc.

Bukod kay Singson at Sanidad Sr., kasamang respondent sa reklamo ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narvacan, Municipal Assessor Arlene Debina, at Raymond Ang ng Western Textile Mills, Inc.

Ayon kay Cordero, nangyari ang naturang transaksyon noong 2019 kung saan naka-upo pang alkalde si Singson kung saan umabot sa P100 milyong ang ikinalugi ng naturang bayan.

Dagdag pa ng abogado, kumita si Singson at ang mga kasabwat nito ng halos P100 milyong dahil binili niya ang lupa sa halagang P149,961,000 kumpara sa orihinal nitong presyo na P49,987,000.

Sabi ni Cordero na nagtulungan ang mga ito na maisagawa ang umano’y pagnanakaw ng kaban ng bayan.

Dahil dito, hinihiling ng grupo na makulong si Singson at iba pa kabilang na ang pagpapataw ng preventive suspension sa kasalukuyang alkalde ng Narvacan na si Mayor Edna Sanidad na dating nakaupo bilang konsehal.

Dagdag pa rito na hinihingi rin sa nakasaad na reklamo na ibalik ang umano’y kinita sa pagbili ng overprice na lupa na may halagang P99,974,000.

Sa hiwalay na reklamo, nais din nilang managot si Singson dahil sa kasong may kinalaman sa pagnanakaw umano ng pondo sa Tobacco Excise Tax.

Facebook Comments