Ayon sa salaysay ng nagrereklamo, isa sa mga insidente ang umano’y naganap noong Oktubre 26–27, 2024, kung saan iginiit niyang pinilit siya ng akusado sa kabila ng kanyang malinaw na pagtutol.
Inilahad din ng biktima na matapos ang insidente ay umano siyang tinakot, sapilitang kinuhaan ng cellphone, at dinala sa isang pribadong lugar laban sa kanyang kalooban.
Dagdag pa ng nagrereklamo, nagsimula umano ang pang-aabuso noong Hulyo 2024 at naganap nang paulit-ulit.
Matagal umano siyang nanahimik dahil sa takot, ngunit nagpasya siyang magsampa ng reklamo matapos umanong mabigo ang mga pagtatangkang maresolba ang usapin sa pribadong paraan.
Binigyang-diin ng nagrereklamo ang kahalagahan ng pananagutan, lalo’t ang inaakusahan ay dating public servant.
Kinumpirma rin niyang nakapagsampa na siya ng pormal na reklamo sa mga kinauukulang ahensya at umaasa sa proseso ng batas para sa hustisya.
Sa ngayon, patuloy pang sinusubukan ng IFM News Team na kunan ng panig si Diestro at ang pamunuan ng National Youth Commission kaugnay sa nasabing mga alegasyon.







