Dapat na manatili sa general community quarantine (GCQ) ang mga high-risk areas sa Metro Manila para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ito ang pahayag ni dating National Economic Development Authority (NEDA) chief Ernesto Pernia kasunod ng panukalang ilagay na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang rehiyon simula March 1 para mabuksan na ang ekonomiya.
Sa isang panayam, sinabi ni Pernia na dapat magkaroon ng “selective” sa halip na “absolute” na pagsasailalim ng mga lugar sa MGCQ.
Ibig sabihin, maaaring ipatupad ang mas maluwag na quarantine restriction sa mga low-risk areas sa Metro Manila pero dapat na manatili sa GCQ ang mga lugar na may mataas pa rin na kaso at banta ng virus.
Iminungkahi rin niya sa mga alkalde sa Metro Manila na bumuo ng plano o paraan para i-minimize ang interaction o pakikipag-ugnayan ng mga taong nasa MGCQ areas sa mga katabi nitong nakasailalim naman sa GCQ.
Samantala, tinutulan din ng dating Socioeconomic Planning head ang pagbubukas ng mga sinehan sa GCQ areas sa Marso.
Aniya, mas infectious ang mga enclosed locations gaya ng sinehan at hindi maiiwasang magdikit-dikit ang mga tao rito dahilan para maging high-spreader ng COVID-19.