Inatasan ng Korte Suprema si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy na sagutin ang petisyon ng grupo ng mga abogado na humihiling na mapatawan siya ng indirect contempt.
Ito ay kaugnay sa sinasabing pagbabanta ni Badoy sa social media post nito laban kay Manila Regional Trial Court Branch 19 Judge Marlo Magdoza- Malagar na nagbasura sa petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ideklarang teroristang grupo ang CPP-NPA.
15 araw ang binigay ng Supreme Court kay Badoy para maghain ng komento.
Sa urgent petition, sinabi ng mga abogado na maaaring patawan ng parusa na indirect contempt si Badoy dahil sa “gravity” at “nature” ng pahayag nito laban sa hukom.
Una na ring nag-isyu ang Supreme Court ng show cause order laban kay Badoy para magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat na i-contempt sa naging pahayag nito sa hukom.