Dating Ombudsman Morales, may payo kay Ombudsman Samuel Martires sa pagharang sa lifestyle check ng mga empleyado ng gobyerno

Pinayuhan ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales si Ombudsman Samuel Martires na sundin nito ang mga probisyon sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act hinggil sa pagharang nito sa lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Ayon kay Morales, tila na-misread o hindi lang natumbok ni Martires ang nais nitong ipahayag sa ilalim ng batas sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na nakapaloob sa R.A. no. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards.

Sinabi pa ni Morales, dahil na rin sa hindi lubos na pagkakaunawa sa nasabing batas, nagawa ni Martires na mag-isyu ng isang memorandum na hindi nauugnay sa batas sa SALN.


Matatandaan na naglabas si Martires ng memorandum no. 1 na nagsasabing hindi pwedeng kumuha ang kahit sino ng kopya ng SALN ng mga opisyal o empleyado man ng gobyerno ng walang notaryadong pahintulot.

Iginiit pa ni Martires na walang silbi ang SALN sa mga kasong isinampa sa Ombudsman at ginagamit lamang ito sa paninira sa mga nakaupo sa pamahalaan kaya’t nais din niya na lusawin na lang mismo ang Office of the Ombudsman.

Dahil naman sa pagharang sa lifestyle check at paglusaw sa Office of the Ombudsman, lumilitaw ang posibilidad na makasuhan ng impeachment si Martires subalit duda naman si Morales lalo na’t marami ang mga dapat na isaalang-alang sa ganitong uri ng kaso.

Facebook Comments