Inamin ng dating opisyal ng Department of Education (DepEd) na nagkaroon ng malaking pagkakamali sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DepEd at ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng laptops sa public school teachers.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa P2.4 billion na overpriced na laptops ay napuna ni Committee Chairman Senator Francis Tolentino na nakasingit sa isang section ng dokumento ng memorandum ang “Food and Drug Law” gayong ang kontrata ay para sa pagbili ng laptops at hindi naman sa mga gamot.
Paliwanag dito ni dating DepEd Asec. Atty. Salvador Malana III na ang nasabing pagkakamali ay dahil sa ‘pro forma’ na kontrata na ibinigay ng PS-DBM.
Sinita ni Tolentino ang mga abogadong naatasang i-review ang MOA na hindi man lang inaral nang husto ang mga probisyon ng kontrata.
Inako naman sa huli ni Malana ang responsibilidad sa pagkakamali dahil lumagda siya sa memorandum bilang witness dito.
Duda naman si Tolentino na posibleng bukod sa pagkakamaling ito ay may iba pang “legal mistakes” sa pagbili ng mga kagamitan ng ibang ahensya at ang pagkakasama ng Food and Drug Administration (FDA) sa procurement ng laptops ay ‘tip of the iceberg’ pa lamang.