Dating opisyal ng PTFoMS, ikinagulat ang pagwalang sala sa tatlong suspek sa pagpatay sa brodkaster sa Misamis Occidental

Dismayado si dating Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez sa naging desisyon ng korte sa pagpapawalang sala sa tatlong suspek sa pagpatay sa brodkaster na si Juan Jumalon o “DJ Johnny Walker” ng Misamis Occidental.

Sa pahayag ni Gutierrez, ikinagulat niya maging pamilya ni Jumalon ang naging hatol na pagpapawalang sala sa kasong murder kina Jolito Mangompit na siyang gunman, mga kasabwat na sina Reynante Bongcawel at Boboy Bongcawel.

Unang nagdesisyon si Judge Michael Ajoc ng Branch 36 Calamba RTC sa Misamis Occidental na i-acquit ang tatlo dahil sa kakulangan ng ebidensiya na ipinakita ng prosekusyon.


Kaugnay nito, plano ni Gutierrez at ng pamilya na maghain ng petition for certiorari sa Korte Suprema hinggil sa naging hatol ng nasabing hukom.

Matandaan na binaril si Jumalon habang nagla-live broadcast sa loob ng kanyang local radio station noong November 5, 2023 kung saan sa tulong ng Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ay nagawang mahuli at mapakulong ni Gutierrez ang tatlo noong siya pa ang nakaupo bilang pinuno ng PTFoMS.

Facebook Comments