Ipinagpasalamat ni dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog ang mabilis na aksyon ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang reklamo laban sa hepe ng PNP Custodial Service Unit na si Police Lieutenant Colonel Jigger Noceda.
Sa isang sulat kamay na statement ni Parojinog, inamin nito na mayroong nangyaring pang-aabuso sa kanya habang nakakulong siya sa PNP Custodial Center.
Kaya nagpasalamat si Parojinog sa PNP Women and Children’s Protection Center dahil agad na inaksyunan ang kanyang reklamo matapos na matanggap ang kanyang liham.
Sinabi ni Parojinog na alam niya na malayo pa ang lalakbayin para makamit ang hustisya, pero masaya na siya na hindi kinukunsinti ng PNP ang mga ganitong uri ng pang-aabuso.
Kahapon, sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Ysmael Yu na nagsampa na ng kasong Attempted Rape, Acts of Lasciviousness, Violation to Safe Spaces and Unjust Vexation ang Women and Children’s Protection Center sa Quezon City Prosecutors office laban kay Lt. Col. Noceda.
Sa ngayon, nasa restrictive custody na ng PNP Headquarters Support Service si Noceda.