Dating Ozamiz City Councilor Ricardo Parojinog na kapatid ng napatay na si Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog, natagpuang patay sa detention cell ng Ozamiz Police Station

FILE PHOTO

Bangkay na nang matagpuan sa loob ng detention cell ng Ozamis Police Station si dating Ozamiz Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog kaninang alas-6:00 ng umaga.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Bernard Banac.

Aniya, sa ngayon ay iniutos na ni PNP Chief General Camilo Cascolan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng dating konsehal.


Ayon kay Banac, walang nakitang indikasyon na may nangyaring violence sa loob ng detention cell, gayunpaman inilagay na ni PRO10 director PBGen. Rolando Anduyan sa restrictive custody ang Chief of Police ng Ozamis at lahat ng night shift duty personnel para sa imbestigasyon.

Pinaiimbestigahan din ni Cascolan sa PNP Custodial Center security team sa pamumuno ni PLtCol. Jiger Noceda para matukoy ang anumang mga pagkukulang.

Ngayong araw, nakatakda sana ang pagdalo ni Ricardo Parojinog sa pagdinig sa kaniyang kaso sa Ozamis City Court.

Si Ardot ay kapatid ni Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog na namatay sa isinagawang anti-illegal drug operation ng PNP noong 2017 sa kaniyang bahay sa Ozamiz City.

Bukod sa kaniya, namatay rin ang kaniyang asawa, mga kapatid at 11 pang katao matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis.

Facebook Comments