Dating pamunuan ng SRA, umaming walang konsultasyon sa SRA Board ang pagbalangkas sa Sugar Order No. 4

Inamin ng nagbitiw na si dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica na hindi dumaan sa konsultasyon ng SRA Board ang ginawang pagbalangkas sa Sugar Order No. 4.

Napaamin si Serafica sa gitna ng pagtatanong ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee at sa naunang pahayag ni SRA Deputy Administrator Atty. Guillermo Tijada na hindi aniya sila kinonsulta at hindi rin pinalagda ang mga deputy administrators tulad ng nakasanayan.

Katwiran ni Serafica sa Senado, kahit sino aniyang SRA Board ay maaaring bumalangkas ng sugar order at wala aniya sa rules na ang regulations department lang ang pwedeng mag-endorso ng sugar order.


Nabusisi rin ni Zubiri kung bakit kailangang ilihim sa mga kasamahan sa SRA ang hakbang matapos na sabihin ni Serafica na pinagawa sila ng importation plan at ayaw nilang may makaalam hanggat hindi ito nakakarating sa Office of the President.

Paliwanag ni Serafica, ang desisyon na magpa-import ng 300,000 metriko toneladang asukal na nakapaloob sa SO4 ay batay sa kanilang konsultasyon naman sa mga stakeholders noong July 29 at ibinatay rin ang desisyong mag-angkat sa computation sa demand at supply ng asukal.

Facebook Comments