Dating Pang. Duterte, inamin ang pagpatay sa 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

Sa ika-11 pagdinig ng House Quad Committee ay inamin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pumatay ito ng anim o pitong kriminal noong siya’y alkalde ng Davao City.

Hindi naman nito napangalanan kung sino ang kanyang pinatay basta’t diin niya wala siyang pasensya sa mga kriminal.

Muli rin ay pinanindigan ni dating Pangulong Duterte ang kaniyang utos kaugnay sa war on drugs na patayin ng mga pulis ang mga suspek na lumaban sa kanilang pag-aresto.


Sabi ni Duterte, may buhay rin na dapat ingatan ang mga otoridad kaya kapag lumaban ang suspek ay dapat itong patayin.

Pero sa hearing ay mariing itinanggi ni dating Pangulong Duterte na may kinalaman siya sa pagpatay sa tatlong drug lords sa Davao prison.

Ayon kay Duterte wala din siyang kinalaman sa pagpatay kay dating PCSO board member at retired general Wesley Barayuga dahil hindi naman daw siya nagpapatay ng heneral.

Binanggit ni Duterte na wala rin siyang alam sa mga kaso ng pagpaslang sa ilang alkade sa ilalim ng kaniyang administrasyon kabilang sina Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog at 14 pang katao, Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili at kay Los Baños, Laguna Mayor Cesar Perez.

Tinanggi rin ni Duterte na may kamay siya sa pagbomba sa mga mosque sa Davao noong 1993 gayundin ang pagpatay sa mamamahayag na si June Pala.

Facebook Comments