Sa kabila ng pagkakatanggal bilang Deputy Speaker ng Kamara, tiniyak ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na mananatili siyang totoo sa binitawang salita kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ay ang patuloy na pagsuporta kay Speaker Martin Romualdez.
Sa inilabas na statement ni Arroyo, tinawag nitong ‘petty’ o isang maliit na bagay lang ang mga intriga sa politika.
Aniya, kung naimpluwensyahan man ng intriga si Speaker Romualdez na hindi niya sinusuportahan ang leadership nito ay wala na siyang magagawa.
Nilinaw naman ni Arroyo ang nakarating na balita sa kanya na kaya siya inalis sa pagiging Deputy Speaker ay hindi siya lumagda sa resolusyon na naghahayag ng suporta kay Romualdez dahil siya ay nasa abroad ng mga panahon.
Katunayan pa aniya, nang malaman niyang ang preference ni Pangulong Marcos na maging Speaker ay si Romualdez, sumulat siya mismo sa presidente para maghayag ng kanyang suporta.
Dagdag pa ni Arroyo, wala rin siyang sinuportahang aksyon na mapaalis sa pwesto si Romualdez at kung tutuusin ay inihayag niya sa publiko na wala na siyang plano na magasam ulit sa Speakership post ngayon at maging sa hinaharap.