Dating Pangulong Aquino,kayang idepensa ang sarili sa kaso kaugnay ng Mamasapano tragedy

Manila, Philippines – Tiwala sina Senators Bam Aquino, Joel Villanueva at Antonio Trillanes IV na kayang kaya ni dating Pangulong Noynoy Aquino na ipagtanggol ang sarili laban sa kasong isinampa ng ombudsman kaugnay sa nangyaring Mamasapano encounter noong January 2015.

Ayon kay Senator Bam, Sa simula pa lang, ay naging bukas na ang kanyang pinsan na si dating Pangulong Aquino ukol sa kanyang naging papel sa trahedya sa Mamasapano.

Umaasa si Senator Bam na sa huli, ay mananaig ang katarungan at katotohanan sa Sandiganbayan at sa puso ng mga Pilipino.


Punto naman ni Senator Villanueva, hindi makatwiran ang kaso dahil ginampanan lang ni Pangulong Aquino ang tungkulin bilang commander in chief at ginawa ang alam niyang tama at makabubuti para sa bansa at sa mamamayan.

Diin naman ni Senator Trillanes, ang tagumpay o kapalpakan ng isang misyon ay dapat sagutin ng commander na inatasang magpatupad nito at hindi ng pangulo ng bansa.

Ikinatwiran pa ni Trillanes na ang paghahabla kay Aquino ay posibleng magdulot ng bad precedent kung saan palagi na lang ang pangulo ang sisisihin sa bawat sablay na misyon ng mga sundalo at pulis.

Facebook Comments