Dating Pangulong Arroyo, tiwala na mas mapapalakas pa ang Lakas-CMD party sa pag-anib sa kanila ni Davao City Mayor Sara Duterte

Tiwala si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (PGMA) na mas mapapalakas pa ang Lakas-Christian Muslim Democrats o Lakas-CMD matapos na pormal na sumama sa kanilang partido si Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa ginanap na virtual presscon, inihayag ni Lakas-CMD President at House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez na lubos na ikinatuwa at “very proud” ang dating pangulo sa pag-anib sa kanila ni Mayor Duterte.

Kumpyansa aniya si GMA na “big boost” sa Lakas-CMD party ang pagpili ni Mayor Sara sa partido na makakatulong sa pag-usad at pagpapabuti ng bansa sa gitna ng pandemya.


Naniniwala si Romualdez na pinili ni Mayor Duterte ang Lakas-CMD dahil sa malalim at matatag na heritage nito pagdating sa politika lalo’t dalawang pangulo na ng bansa ang na-i-produce ng partido.

Dagdag pa ng kongresista, naniniwala rin ang alkalde sa kanilang adhikain at positibong approach sa politika.

Naunang sinabi ni Romualdez na November 9 pa ay naghayag na si Mayor Sara ng paglipat sa kanilang partido at sinamantala naman nila kahapon na sila ay magkakasama at mapanumpa na ang alkalde matapos ang kasal ng anak ni Senator Bong Revilla.

Ayaw namang magbigay ng kongkretong tugon ni Romualdez kung ano talagang posisyon ang tatakbuhan ni Mayor Duterte at abangan na lamang sa weekend ang desisyon nito.

Facebook Comments