Dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, pumanaw na

Pumanaw na si dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III sa edad na 61.

Inaasahan na maglalabas ng opisyal na pahayag ang kampo ng dating pangulo at pamilya Aquino hinggil dito.

Pero ayon kay dating Senator Mar Roxas, isinugod kaninang umaga sa Capitol Medical Center sa Quezon City ang dating pangulo at sinusubukan pa siyang i-revive.


Sa ngayon ay nasa Capitol Medical Center ang kapatid ng dating pangulo na si Kris Aquino, ilang miyermbo ng dating gabinete tulad nina dating Cabinet Sec. Rene Almendras, dating Department of Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at ilang malalapit na kaibigan ng pamilya aquino.

Ang pangulong Aquino ay labas masok na sa ospital simula pa noong nakaraang taon dahil sa kanyang sakit.

Si PNoy ang ika-labing limang pangulo ng republika ng Pilipinas at naluklok noong June 30, 2010.

Kasunod na rin ito ng panawagang tumakbo siya sa pagka-pangulo matapos ang pagkamatay ng kanyang ina na si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino noong 2009.

Nakilala si Aquino sa tawag niya sa publiko na “kayo ang boss ko” at kanyang administrasyon na “Daang Matuwid”.

Sa pag-upo sa pwesto, binuo ng dating pangulo ang “No Wang-wang Policy” at pagpapatupad ng K to 12 basic education.

Sa ilalim rin ng kanyang administrasyon, naipanalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal ang claims ng bansa laban sa China sa West Philippine Sea.

Ilan naman sa mga naging kontrobersyal na insidente sa kanyang panungungkulan ay ang naganap na Manila Hostage Crisis noong 2010, pagtama ng Super Typhoon Yolanda noong 2013 at Mamasapano Massacre noong 2015.

Bago naging pangulo ng bansa, nagsilbi rin si Aquino bilang Senador at Kongresista ng Tarlac mula 1998 hanggang 2007.

Facebook Comments