Sang-ayon sina Manila First District Representative Ernesto Dionisio, Lanao del Norte First District Representative Mohamad Khalid Dimaporo at La Union 1st District Representative Francisco Paolo Ortega sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC).
Gayunpaman, iginiit nina Representative Dionisio at Dimaporo, na hindi dapat matakot humarap dito si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa imbestigasyon ukol sa umano’y mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Diin ni Congressman Dionisio, kung wala namang itinatago si dating Pangulong Duterte ay hindi ito dapat mangamba sakaling papasukin ang ICC sa bansa.
Para naman kay Congressman Dimaporo, ang pasya ni Pangulong Marcos kaugnay sa ICC ay pagtatanggol sa ating pambansang soberanya at patunay rin na maayos na napapatakbo ang mga institusyon partikular ang pulisya at hudikatura.
Sa tingin naman ni Representative Ortega, maaaring may nakikitang iregularidad ang taumbayan sa nakalipas na administrasyon kung pagbabasehan ang OCTA Research Survey na nagsasabing 59% ang sumusuporta sa imbestigasyon ng ICC.