Dating Pangulong Duterte, posibleng tumakbong senador o Mayor ng Davao City sa 2025

Wala pang desisyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung tatakbo siya sa halalan sa susunod na taon.

 

Sa panayam ng DZXL News, sinabi ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nahihirapang magpasya si Duterte dahil nais ng kanyang mga anak na siya ay magretiro na.

 

Pero pinayuhan daw niya ang dating pangulo na kumandidatong senador sa gitna na rin ng aniya’y talamak na panlalapastangan ngayon sa kanilang pamilya.


 

Bukod dito, nais din ni Panelo na patakbuhing vice president si Duterte sa 2028, ka-tandem ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte-Carpio.

 

“Noon ko pa sinasabi sa kanila, Duterte-Duterte, pero hindi nila ginawa kaya inaapi sila. Kaya sabi ko, gawin niyo na sa 2028,” sabi ni Panelo.

 

“Kung tatakbo kang senador, ‘pag ikaw e nanalo, at mananalo ka naman, hindi ka masyadong aapihin, at the same time, magiging barometro mo ‘yun kung mataas pa rin ang ratings mo gaya ng sinasabi ng mga survey. Kung mag-number 1 to 3 ka, ibig sabihin, ang pagtitiwala ng bayan sayo hindi pa nawawala, tumakbo kang bise presidente,” aniya pa.

 

Una na ring pinayuhan ni Panelo si Duterte na tumakbong mayor ng Davao City.

 

“It’s still depend on him. If he goes sa Manila Hotel sa Martes, isa lang ibig sabihin no’n, magfa-file siya for senator. But if he goes to Davao, sa Comelec, ibig sabihin magfa-file siya as mayor,” ani Panelo.

Facebook Comments