Magsasampa ng reklamong “grave threat” laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte si House Deputy Minority leader and ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
Ang reklamo ay isasampa ni Castro bukas ng umaga sa Quezon City Prosecutor’s Office kasama ang mga abogadong kabilang sa Movement Against Disinformation at iba pang volunteer lawyers.
Ayon kay Castro, ang kanyang hakbang ay tugon sa pagbabanta sa kanyang buhay ni dating Pangulong Duterte na aniya’y nakaapekto sa kanyang kalayaan at seguridad.
Base sa mga lumabas na reports, sinabi umano ng dating pangulo na nais nitong patayin si Castro makaraang tanggalin ng Kamara ang confidential funds ng ilang civilian agencies.
Kasama rito ang tanggapan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte gayundin ang pinamumunuan nitong Department of Education.