Binigyan ng tradisyunal na gun salute ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pumanaw na si dating Pangulong Benigno Aquino III na isinagawa sa mga military camps sa buong bansa.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, pagsaludo at pangakong patuloy nilang gagawin ang kanilang mandato ang ibinigay nila sa pumanaw na dating commander-in-chief.
Aniya, isinagawa kanina ang sabay-sabay na walong gun salute sa Camp Aguinaldo, Fort Andres Bonifacio, Jesus Villamor Air Base, Fort Abad, Fort Gregorio del Pilar at lahat ng kampo ng AFP Unified Command Headquarters sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Kaninang alas-10:00 ng umaga naman, lahat ng sundalo sa mga military camps, stations at bases ay nagtipon-tipon para sa official reading ng Notice of Death ng dating pangulo.
Sa kasalukuyan, naka half-mast na rin ang mga bandila sa lahat ng mga kampo ng militar.
Kinilala naman ng hanay ng AFP ang mga nagawa ni Aquino sa AFP, isa na rito ang pagpapalakas ng AFP modernization program.
Aniya, sa harap ng Internal Peace and Security Plan – Bayanihan, hinikayat daw noon ni Aquino ang AFP na i-adopt ang inclusive approach para sa seguridad ng bansa nang sa ganoon ay matamo ang pangmatagalang kapayapaan.