Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay President Xi Jinping ng China na maging mabait sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa naging takbo ng pulong sa pagitan nina dating Pangulong Duterte at Pangulong Bongbong Marcos matapos magtungo kamakailan sa China ang dating presidente.
Sa hapunan noong isang gabi ng mga senador kasama si PBBM, ibinahagi umano sa kanila ni Pangulong Marcos ang naging pulong nila ni Duterte, kung saan sinabi lamang ng dating Pangulo kay Chinese President Xi na maging mabaet sa ating bansa.
Aniya pa, batay kay PBBM, hindi naging paksa ng pulong ni Duterte at President Xi ang isyu sa West Philippine Sea.
Sinabi pa ni Zubiri na hindi na nabanggit ni Pangulong Marcos kung ano ang naging tugon ni President Xi sa tila pakiusap ni dating Pangulong Duterte para sa bansa.
Magkagayunman, kung may ibang topic pa silang natalakay ay hindi na rin ito ibinahagi pa sa kanila.
Noong nakaraang buwan ay bumisita si dating Pangulong Duterte sa China para sa inagurasyon ng isang school building na ipinangalan sa kanyang ina at isinabay na rin nito ang pakikipagpulong sa pangulo ng China.