Nahaharap ngayon si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa reklamong grave threat sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang naturang complaint ay inihain ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa Quezon City Prosecutor’s office kung saan sinamahan sya ng mga volunteer lawyers mula sa Movement Against Disinformation o MAD sa pangunguna nina Atty. Tony La Viña at Rico Domingo.
Nakasaad sa 8 pahinang reklamo ni Castro ang sinabi ni dating Pangulong Duterte sa isang programa sa television na umere din sa Facebook live na nais umano siya nitong patayin.
Sabi ni Castro, ang naturang banta sa kaniyang buhay ng dating Pangulong Duterte ay kaugnay sa isyu ng pagtanggal ng Kamara sa confidential funds ng ilang civilian agencies kasama ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte gayundin ang pinamumunuan nitong Department of Education (DepEd).
Giit ni Castro, bilang kinatawan sa Mababang Kapulungan ay kasama sa kaniyang mandato at adbokasiya na isulong ang interes ng mamamayan at kasama dito ang pagbusisi sa pondo ng bayan, mahusay na pamamahala at pananagutan ng mga nanunungkulan sa gobyerno.
Umaasa naman si Castro na magsisimula na ngayon ang paniningil ng hustisya laban kay former President Duterte dahil wala na itong immunity sa mga kaso.