Naniniwala si Senator Alan Peter Cayetano na magagawa ng maayos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang back channeling negotiations sa pagitan ng China patungkol sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon kay Cayetano, na dating Foreign Affairs Secretary, kung magkakaroon man ng kinatawan ang bansa para magsagawa ng back channeling negotiations sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea, ay walang dudang si dating Pangulong Duterte ang ‘best representative’ dito ng Pilipinas.
Paliwanag ni Cayetano, si dating Pangulong Duterte kasi ay kayang makaabot hanggang sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno ng China na si Chinese President Xi Jinping dahil na rin sa magandang relasyong nabuo sa pagitan ng dalawang lider.
Kung mayroon man aniyang indibidwal na pinagkakatiwalaan ang Chinese government at ng mga Pilipino ay kumpyansa siyang si dating PRRD na iyon.
Sinabi pa ni Cayetano na bagama’t hindi pa pwedeng magrekomenda tungkol sa back channeling talks sa pagitan ng China, mas maganda pa rin kung habang maaga ay makapagtalaga na si Pangulong Bongbong Marcos ng back channel negotiator sa China dahil kailangan natin ng lahat ng tulong para sa katatagan ng bansa sa WPS.
Dagdag pa ng mambabatas, kung urgent na kailangan, may emergency at pagdating sa paghahatid ng sinserong mensahe ay kayang-kaya itong gawin ng dating Presidente Duterte.