Dating Pangulong Rodrigo Duterte, tahasang tinukoy na kasabwat sa Pharmally controversy

Tahasang tinukoy ni Dating Senador Richard Gordon si Dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasabwat sa Pharmally controversy noong nakalipas na administrasyon.

Kasunod ito ng pag-amin ni Dating Health Secretary Francisco Duque III na mismong si Duterte ang nag-utos na ilipat ang mahigit ₱47 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng pandemic supplies.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Gordon na ni isang beses ay walang narinig mula kay Duterte na umangal sa korapsyon dahil kasabwat umano ito sa tinawag niya na pinakamalaking nakawan sa bansa.


Hindi rin ito kailanman nag-utos na imbestigahan ang anumang korapsyon lalo na tungkol sa naturang isyu.

Una nang sinabi ni Gordon sa isang panayam na maaaring maging state witness si Duque laban kay Duterte pero depende na ito sa Ombudsman.

Sa ngayon, pinakakasuhan na ng Ombudsman ng graft sina Duque at dating PS-DBM Undesecretary Lloyd Christopher Lao dahil sa maanumalyang paglilipat ng pondo.

Facebook Comments