
Inaresto ng Taguig City Police ang isang dating Philippine Basketball Association (PBA) player matapos umanong hilahin at halikan ang isang 22-anyos na babae sa isang bar sa Bonifacio Global City (BGC).
Kinilala ang suspek na si Mark Reynan Cardona, na mas kilala bilang “Macmac” Cardona, dating shooting guard sa PBA at Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa smoking area ng bar kung saan nagsumbong ang biktima sa kanyang nobyo na agad namang kumonpronta sa suspek.
Nakipag-ugnayan ang bouncer sa pulisya at dinala ang suspek at mga biktima sa Taguig City Police Station para sa dokumentasyon at inquest.
Sinubukan umano ng suspek na makipag-areglo ngunit tumanggi ang nobyo ng biktima at determinadong magsampa ng kaso.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng pulisya si Cardona at nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness at Physical Injuries.










