Dating PCGG Chairman Camilo Sabio, inaresto ng NBI

Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio.

Inaresto si Sabio sa kanyang tahanan sa Sta. Mesa Heights, Quezon City noong Biyernes batay sa Bench Warrant of Arrest na inilabas ng Sandiganbayan 4th Division kaugnay ng execution of judgement sa kasong graft laban sa kanya.

Nag-ugat ang kaso dahil sa pagtatangka ni Sabio na impluwensyahan ang desisyon ng kanyang kapatid na si Court of Appeals Justice Jose Sabio Jr. kaugnay ng kasong kinasasangkutan ng Government Service Insurance System (GSIS) at ng Meralco.


Pagkatapos ng booking procedures, agad na dinala sa Sandiganbayan si Sabio pero sarado ang korte dahil sa isinasagawang sanitation.

Dinala muna siya NBI Detention Center at nakatakdang iprisinta sa anti-graft court bukas, June 8.

Si Sabio ay nagsilbi bilang chairman ng PCGG mula 2005 hanggang 2010.

Facebook Comments