Dating PCOO Usec. Lorraine Badoy, naghain ng komento sa show cause order ng Korte Suprema

Naghain ng kumento sa Korte Suprema ang kampo ni dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Usec. Lorraine Badoy laban sa show cause order na ipinataw sa kanya.

Ito’y may kaugnayan sa naging post ni Badoy na dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC laban sa hukom ng Manila Regional Trial Court (RTC) na nagbasura sa kanilang kahilingan na ideklarang terorista ang mga Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa 47 pahinang pleading, iginiit ng abogado ni Badoy na si Atty. Harry Roque na ang kautusan ay labag sa karapatan ni Badoy sa malayang pamamahayag.


Ayon pa kay Roque, hindi dapat parusahan ng contempt si Badoy dahil lamang sa kanyang social media post.

Aniya, ang pagtuligsa aniya ni Badoy sa hatol ni Judge Marlo Magdoza Malagar ay saklaw ng doktrina ng fair comment na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.

Facebook Comments