Nabunyag sa ikapitong pagdinig ng House Quad Committee na pitong kamag-anak ang hinire ni dating Retired Police Colonel Royina Garma sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) habang siya ay nanunungkulan bilang general manager noong 2019.
Kabilang dito ang kanyang mga pinsan, bayaw at hipag ni Garma na inilagay niya sa PSCO bilang nurse, admin officer, IT consultant, private secretary, researcher at security detail.
Sa pagtatanong ni Sta. Rosa Laguna Representative Dan Fernandez ay napaamin si Garma na kinuha rin nitong confidential agent ng PCSO ang anak na babae na may special needs at walang taglay na kwalipikasyon para sa naturang posisyon.
Sa hearing ay naisiwalat din na ginamit umano ni Garma ang 2-milyong piso mula sa PCSO para pondohan ang partylist at foundation na STL o Samahan ng Totoong Larong may Puso.
Nagpresenta ng mga Facebook posts si Fernandez na nagpapakitang tumatanggap ng 2-million pesos na tseke mula sa PSCO ang 1st nominee ng STL Partylist na si Maria Yvonee Cania-Barandong na misis ni police officer chuck barandong na kabilang sa security detail ni Garma.
Nabatid din ni Fernandez na namimigay ng mga bahay si Mrs. Barandong kaya nagpasya ang quad committee na ito ay imbitahan upang mabusisi kung saan galing ang pondong ipinamumudmod nito.