Dating PCSO GM Royina Garma hindi pa sigurado kung kailan makakauwi ng Pilipinas – DOJ

Blangko pa ang Department of Justice (DOJ) kung kailan makakabalik ng bansa si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at retired Police Colonel Royina Garma.

Ito ay matapos kumpirmahin kahapon ng DOJ na naharang sa Estados Unidos si Garma at anak nito noong November 7 dahil sa kanseladong visa.

Sa ambush interview, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi rin nila alam kung bakit nakansela ang visa ni Garma, na dahilan upang hindi ito makapasok sa Amerika.


Ang dating opisyal ay kontrobersiyal ngayon dahil sa mga testimonya nito sa House Quad Committee kaugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Si Garma ang nagbunyag na nag-organisa umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng task force na ipapatupad sa buong bansa na nakabatay sa umano’y “Davao model” kung saan binibigyan ng rewards ang mga pumapaslang sa drug suspects.

Una nang inatasan ni Remulla si Immigration Commissioner Joel Viado na asikasuhin ang agarang pagpapauwi kay Garma.

Umaasa rin ang kagawaran na makikipagtulungan pa rin ang dating opisyal sa mga nagpapatuloy na imbestigasyon ng pamahalaan.

Facebook Comments