Kinumpirma ni Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Michael Edgar Aglipay na wala na sa kustodiya ng Kamara si dating Pharmally Pharmaceutical Corporation Executive Krizle Grace Mago.
Ayon kay Aglipay, sumulat si Mago noong nakalipas na linggo sa liderato ng Kamara para ipabatid na nais na niyang tapusin ang boluntaryong pagsasailalim sa kustodiya ng Mababang Kapulungan.
Nitong Lunes lamang aniya ay nakaalis na si Mago sa kustodiya ng Kamara matapos na payagan ng House leadership.
Boluntaryong nanatili si Mago sa proteksyon ng Kamara sa loob ng isa’t kalahating buwan.
Matatandaan kusang nagtungo si Mago noong October 1 sa Kamara para mapasailalim sa kanilang kustodiya dahil sa mga banta o pangamba sa kanyang buhay matapos ang mga binitawang pahayag sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiya sa pagbili ng gobyerno ng pandemic medical supplies sa Pharmally.