Isiniwalat ng resigned Anti-Fraud Officer Thorsson Montes Keith sa pagdinig ng Senado kahapon ang pagpasok ng PhilHealth ng halos 10 milyong piso sa isang rural bank sa Bataan noong nakaraang taon.
Ayon kay Keith, natuklasan niya na mayroong isang tauhan ng PhilHealth sa Region 2 office na nagkaroon ng multiple transactions ng pagbabayad ng reimbursements ng benefit claims ng 12 beses para sa buwan ng Mayo 2019 at ipinasok ito sa Balanga Rural Bank sa Bataan.
Aniya, nagkakahalaga ito ng P9,705,332.
Ang mga opisyal ng bangko ay tumatangging ibalik ang pera sa ahensya pero sumang-ayon matapos mag-isyu ang PhilHealth ng demand letter.
Pagtataka ni Keith kung bakit ang fund transfer ay ikinokonsiderang mali gayung malinaw na ang Cagayan Valley ay walang awtoridad at access sa mga bangko na matatagpuan sa iba pang rehiyon tulad ng Region 3 o Central Luzon.
Gayumpaman, nang magpulong ang PhilHealth Officials mula sa Region 2 at sa Central Office at ang mga opisyal ng bangko, nangako ang PhilHealth na magbayad ng P49,123 bilang compensation para sa inconvenience.
Ang kasong ito ay isa lamang sa modus operandi ng mga tinatawag ni Keith na “untouchables” sa PhilHealth.
Itinuro rin ni Keith si PhilHealth Senior Vice President Rodolfo Del Rosario na sangkot sa pag-credit ng P9.7 milyon sa Balanga Rural Bank noong 2019 dahil napapadalas ang pagbiyahe nito sa Bataan.
Itinanggi ito ni Del Rosario at iginiit na nagpunta siya sa Bataan dahil mayroong meeting ang Department of Health (DOH) doon.
Dagdag pa ni Del Rosario, hindi rin pinabayaan ang insidente at iniimbestigahan na ito.