Nagsampa na ng reklamong kriminal ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman laban kina dating PhilHealth President and CEO Ricardo Morales at walong iba pang opisyal nito.
Ito’y dahil sa umano’y katiwalian sa pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) kung saan nabibigyan ng cash advance ang mga umano’y paboritong ospital kahit pa wala silang guidelines.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inihain ang reklamo sa Ombudsman matapos na makakuha ng sapat na ebidensiya ang NBI hinggil sa nasabing katiwalian.
Inirekomenda nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds, paglabag sa National Internal Revenue Code, at Republic Act 1051 dahil sa kwestyunableng pagbibigay ng cash advances sa ilang healthcare institutions sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng IRM.
Sinabi pa ni Guevarra na bukod kay Morales, kasama rin sa inireklamo sina Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus; Senior Vice President Renato Limsiaco Jr.; Senior Vice President Israel Francis Pargas; Vice President Gregorio Rulloda; Imelda Trinidad de Vera; Lolita Tuliao, Gemma Sibucao at Lailani Padua.
Para kay PhilHealth Spokesperson Rey Baleña, welcome development ito.
Sa mga susunod na araw o linggo, inaasahang sasampahan din ng reklamo ang iba empleyado o opisyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian sa ahensiya.