Dumepensa si dating Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Cascolan matapos kuwestiyunin ang pagkakatalaga sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang undersecretary sa Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag na ipinadala ni Cascolan sa RMN DZXL 558 Manila, sinabi nito na nais niyang ipaalam sa mga Pilipino na ang administration, management at strategic planning ang kaniyang lakas na aniya ay makakatulong sa DOH.
Gayundin, ang kaniyang expertise sa emergency response at pagkikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ni Cascolan, noong panahon ng unang bugso ng pandemya dulot ng COVID-19, siya ang nag-conceptualized ng COVID-19 Task Force at ibinigay ang implementasyon kay dati rin PNP Chief General Guillermo Eleazar.
Siya rin ang nag- conceptualized ng Administrative Support to COVID-19 Task Force o ASCOTF na pinamunuan niya rin.
Ang dating PNP chief din ang nagpasimula ng Chemical, Biological, Radiological, Nuclear and Explosives o CBRNE simulation exercise at bumuo ng Medical Reserve Force.
Ayon pa sa opisyal, siya rin ang namahala sa Mall of Asia (MOA) Arena Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) Testing Center at sa Philippine International Convention Center (PICC) at ULTRA Quarantine Areas noong kasagsagan ng pandemya.
Punto ni Cascolan na ang pamamahala sa kalusugan ay hindi lang daw patungkol sa medical knowledge, kung saan mahalaga aniya rin ang balanse dapat ang science, management at strategies.
Matatandaang, naging PNP Chief si Cascolan noong 2020 at kabilang siya sa bumuo ng “oplan double barrel”, kung saan nakapaloob ang oplan tokhang sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.