Dating PNP Chief Gen. Torre, nagpasalamat sa kanyang mga tagasuporta matapos sibakin sa pwesto

Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si dating Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III sa kanyang mga tagasuporta matapos ang biglaang pagkakatanggal niya sa puwesto.

Sa inilabas na video sa kanyang Facebook page, sinabi ni Torre na ang suporta, panalangin, at mga mensahe ng publiko ang nagsilbing lakas at inspirasyon niya sa gitna ng kontrobersiya.

Gayunman, iginiit ng dating PNP chief na huwag siyang kaawaan, bagkus ituon na lamang ang malasakit sa mga kababayang palagiang biktima ng pagbaha na aniya’y higit na nangangailangan ng tulong at atensyon.

Nilinaw rin ni Torre na wala siyang sama ng loob kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at nauunawaan niya na bahagi ng mabibigat na desisyon ng pangulo ang pagkakasibak sa kanya sa pwesto.

Dagdag pa niya, mananatili siyang tapat sa sinumpaang tungkulin at magpapatuloy sa paglilingkod bilang pulis, alinsunod sa kagustuhan ng pangulo at ng sambayanang Pilipino.

Matatandaang sinibak si Torre sa puwesto noong Martes at agad na pinalitan ni acting PNP Chief LtGen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Facebook Comments