Dating PNP Chief Oscar Albayalde, inaasahang dadalo sa DOJ bukas kaugnay ng kaso ng “ninja cops”

Muling ipagpapatuloy ng DOJ Panel of Prosecutors bukas ang pagdinig sa inihaing mga reklamo ng PNP-CIDG laban sa  tinaguriang ninja cops.

 

Kasama sa ina-asahang magsusumite ng kontra salaysay si dating PNP Chief Oscar Albayalde na kabilang sa respondents sa reklamo.

 

Bukas, inaasahang magsusumite na ng kanilang kontra-salaysay o counter-affidavit ang mga respondents na hindi pa nakasasagot sa reklamo ng CIDG at sa isinumite nitong amended referral complaint kung saan kasama na sa mga repondents si Albayalde.


 

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, napadalhan na ng subpoena si Albayalde.

 

Bukod kay Albayalde, kabilang sa respondents ang mga dati nitong tauhan sa Pampanga sa pangunguna ni Police Major Rodney Baloyo na inaakusahang nasa likod ng pagre-recycle ng mga nakumpiska nilang droga sa kanilang anti-drugs operation sa Pampanga.

 

Sinasabing umaabot sa 160 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P648 million ang hindi isinama sa report ng grupo ni Baloyo nang makumpiska kay suspected Chinese drug lord Johnson Lee noong 2013.

Facebook Comments