
Wala pang natatanggap na anumang koordinasyon ang Philippine National Police (PNP) at National Police Commission (NAPOLCOM) mula kay dating PNP Chief General Nicolas Torre III.
Ito ay matapos tanggapin ni Torre ang posisyon bilang General Manager at Spokesperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Matatandaang nananatiling bakante ang four-star rank sa PNP matapos ang pagpapalit ng liderato noong nakaraang taon.
Gayunman, ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Calinisan, Vice Chairperson at Executive Director ng ahensya, hindi na kailangang makipag-coordinate pa ni Torre sa PNP at NAPOLCOM.
Paliwanag ni Calinisan, itinuturing na “ipso facto” o awtomatikong resignado sa police force si Torre sa oras na tanggapin nito ang isang posisyong sibil gaya ng sa MMDA.
Nilinaw rin niya na iba ang benepisyong matatanggap ni Torre kumpara sa matatanggap sana nito kung siya ay naghain ng optional retirement mula sa PNP.
Samantala, wala pang pahayag kung kailan igagawad kay Acting PNP Chief PLTGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang four-star rank, dahil ayon sa NAPOLCOM, Malacañang ang may kapangyarihan na magpalabas ng naturang kautusan.









