Dating police officer na sangkot sa nag-viral na road rage incident, ipaaaresto ng Senado kapag hindi dumalo sa pagdinig sa susunod na linggo

Nagbabala si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na posibleng mapa-contempt ng Senado si Wilfredo Gonzales, ang dating pulis na sangkot sa nag-viral na road rage incident matapos na kasahan ng baril ang isang siklista sa Quezon City.

Ang babala ng senador ay kung sakaling hindi rin sisiputin ni Gonzales ang imbestigasyon ng Senado sa susunod na linggo tulad ng hindi nito pagsipot kahapon sa hearing ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Dela Rosa, ipapa-subpoena siya ng komite para mapilitang humarap sa pagdinig at kung hindi ito pa rin ito dadalo ay maaari na siyang ipaaresto sa Senate Sergeant at Arms o ipa-contempt sa Senado.


Maliban kay Gonzales, pinadalhan na rin ng imbitasyon sa pagdinig ang siklistang kinasahan at tinutukan ng baril ng dating pulis.

Sinabi ni Dela Rosa na may impormasyon siyang natanggap na umiiwas ang siklista dahil sa takot pero pinapaayos niya ito sa kanyang staff para mahimok itong dumalo na sa pagdinig.

Tiniyak naman ni Dela Rosa ang pagiging patas sa pagdinig kung saan papakinggan ang dalawang panig, si Gonzales at ang siklista, gayundin kung ano na ang hakbang na ginawa ng Philippine National Police at ng Firearms and Explosives Office.

Nakatakdang idaos ang imbestigasyon sa Martes, September 5.

Facebook Comments