
CAUAYAN CITY – Pormal nang tinalikuran ni Alessandra Mae Magno o alyas “Ka Andy,” ang armadong pakikibaka matapos ang kanyang pagkakadakip sa isang engkwentro sa Jones, Isabela.
Si alyas “Ka Andy” ay dating Political Officer ng NPA sa Rehiyon 2 at ngayon ay aktibong lumalahok sa programa ng pamahalaan para sa pagbabalik-loob ng mga dating rebelde.
Sa ginanap na pagbisita ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito G. Galvez Jr. sa Camp Melchor F. Dela Cruz, ipinahayag ni Ka Andy ang kanyang kagustuhang mamuhay nang payapa at muling makapiling ang lipunan bilang isang produktibong mamamayan.
Ipinangako ni Secretary Galvez ang buong suporta ng pamahalaan kay Ka Andy sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na nagbibigay ng tulong sa kabuhayan, edukasyon, at pagpapayo para sa mas matagumpay na reintegrasyon.
Hinimok naman ni Maj. Gen. Gulliver Señires ng 5th Infantry Division ang iba pang natitirang rebelde na samantalahin ang pagkakataong ito upang magbalik-loob.









