Humabol ngayong umaga si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagdinig ng Senate Committee on Women patungkol sa imbestigasyon sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Nagpapatuloy ngayong araw ang pagsisiyasat ng komite kaugnay sa mga POGO sa kabila pa rin ng kabiguan na maaresto si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pang myembro ng pamilya nito na kasama rin sa ipinaaaresto.
Matatandaang si Roque ang sinasabing nag-abogado sa incorporator naman ng POGO sa Porac, Pampanga na isa sa mga sinalakay rin ng mga awtoridad ngayong taon.
Naunang nagpadala ng liham si Roque sa tanggapan ni Senate Committee on Women Chairperson Senator Risa Hontiveros kung saan sinasabi nitong una na hindi siya makadadalo sa pagdinig ngayong araw dahil may nauna siyang naka-schedule na hearing sa Manila Regional Trial Court.
Samantala, humarap din si dating Technology and Livelihood Resource Center Deputy Director General Dennis Cunanan na lumabas naman noong una na naging authorized representative ng mga POGO sa Porac, Pampanga at sa Bamban, Tarlac.
Habang sa walong ipinaaaresto tanging si Nancy Gamo, na accountant ni Mayor Guo, ang humarap sa imbestigasyon.