Dating PRRD, hindi uunahin sa mga padadaluhin ng Senado sa pagdinig sa war on drugs

Malabo pang maimbitahan agad si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isasagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa war on drugs sa ilalim ng kanyang dating administrasyon.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, na siyang mangunguna sa Blue Ribbon subcommittee na mag-iimbestiga sa drug war, uunahing paharapin sa imbestigasyon ang mga resource person na may kaugnayan at may kaalaman sa nangyaring mga krimen kontra iligal na droga.

Kung sakali naman na magboluntaryo si dating Pangulong Duterte na dumalo sa pagdinig ay sa tamang panahon pa rin ito pahaharapin ng Senado at kapag na-establish na rin ang records ng imbestigasyon mula sa Kamara.


Paliwanag ni Pimentel, hindi maaaring gamitin o basta na lamang i-adopt ng Senado ang mga nadinig na testimonya sa quad committee ng Kamara at ang hiwalay na hearing ng Senado ay sesentro lamang sa war on drugs.

Sa mga testigo, planong imbitahan si dating PCSO General Manager Royina Garma na nagbunyag ng reward system sa kada mapapaslang na drug suspect gayundin ang jail warden sa Davao Penal Colony na nagsabing may go signal ng dating pangulo ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan.

Sa ngayon ay wala pang petsa kung kailan isasagawa ang pagdinig ng Senado sa war on drugs.

Facebook Comments